Ang Chance na Para sa Tao

Tanong:

Kapag ang tao ay nakasumpong na ng katotohanan ng Dios at nagpatumpik-tumpik pa siya, gaano ba kahaba o kaiksi ang pagkakataong maaaring ibigay sa kaniya?

Bro. Eli Soriano:

Gaano ba kaiksi? Kasing-iksi po ng bukas. Pakinggan ninyo sa Santiago 4:13, ganito ang mababasa natin.

Bro. Daniel Razon:

Santiago 4:13
“Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo:”

Santiago 4:14
“Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi.”

Bro. Eli Soriano:

Iyan po hanggang bukas lang. Puwedeng may mangyari bukas. Bukas is the nearest future. Tomorrow is the nearest future. Pero hindi natin alam. Pakinggan ninyo sa Kawikaan –

Bro. Daniel Razon:

Kawikaan 27:1
“Huwag mong ipaghambog ang kinabukasan; Sapagka’t hindi mo nalalaman kung ano ang ilalabas ng ibang araw.”

Bro. Eli Soriano:

Bukas lang po malaki na iyon, kasi hindi mo na alam iyong after tomorrow. Mayroon ka pa bang alam na...? Bukas ba nakakatiyak ka buhay ka pa? Maaari ‘ pag naghiwalay tayo ngayon, pag-uwi ko, madisgrasya ako, patay. O kaya naman, kayo bangungutin, hindi na kayo magising bukas. Kaya, wala tayong alam bukas. Kaya po, sabi ng Dios, “Samantalahin mo ang pagkakataon sapagka't ang bawat araw masasama.” Kaya ko po sinasabi huwag kayong magpatumpik-tumpik, huwag kayong magpabukas-bukas, kasi hindi mo nga alam mismo ang mangyayari bukas. Marami pong maaaring mangyari sa loob ng 24 oras. Kaya, hindi po pinag-uusapan ang haba. Kung halimbawa, dumating ang nakatakda sa iyo, takda pala sa iyo ng Dios, ika-9 ng October mamamatay ka. Nagpatumpik-tumpik ka, namatay ka ng ika-9 ng October, hindi mo nasunod ang Dios. Sabi ng Dios, Kawikaan 1:24.

Kawikaan 1:24-29

“Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: Aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;

Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, At hindi ninyo inibig ang aking saway:

Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: Ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;

Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; Pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.

Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:

Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, At hindi pinili ang takot sa Panginoon.”

Iyan po nakasulat, ‘di ba? Kaya delikado. ‘Pag hindi mo pinansin ang tawag ng Dios, maaari bukas-makalawa o kung kailan man… Masuwerte ka kung sa limang taon hindi ka pa Niya kinukuha o sampu. Baka naman magpabaya ka nang magpabaya, titigas naman nang titigas ang puso mo. Hebreo 3:13, sabi diyan,

Hebreo 3:13

“Nguni’t kayo’y mangagpangaralan sa isa’t isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan:”

Iyang kasalanan po, titigas nang titigas puso mo pag ayaw mong iwan. Mayroon akong kakilala, ang pangalan niya si Tatang Ino, taga-Betis ng Guagua. Lahat ng aral napakinggan niya. Sabi niya sa akin, "Eli, totoo talaga ang sinasabi mo. Ngayon lang ako nakarinig ng ganiyang aral, kumpleto. Totoo iyan." "Bakit, Tatang Ino, ayaw mo pang sumama sa akin?" "Kasi ang aking babae, tatlo pa." "Sige ka, bahala ka." "Mahirap kasing iwan ang babae." "Baka kayo abutin ng kamatayan diyan." Sabi niya, "Hindi naman siguro." Nakalipas ang isang taon, dalawang taon, tatlong taon. Aba, noong apat na taon, namatay siya sa ibabaw ng babae, ‘di ba? Hindi mo naman mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Kawawa ka naman. Nakakilala ka ng aral, ayaw mong sundin, pagtawag mo sa Dios hindi na Siya sasagot.

Kawikaan 1:28-30

“…Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:

Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, At hindi pinili ang takot sa Panginoon.

Ayaw sila ng aking payo; …”

Sabi,

Kawikaan 1:30-31

“...Kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:

Kaya’t sila’y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, At mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.”

Kaya wala na po tayong magagawa.