Taong 2020 ng Ang Dating Daan Mas Mabunga sa Pinalawak na Pangangaral sa Social Media at Pagtugon sa Krisis sa Covid-19

December 5, 2020

Naging mabunga ang taong 2020 ng programang Ang Dating Daan na ang naging pangunahing pagsisikap ay ang makapagbigay ng pag-asa sa mga tao sa panahon ng krisis bunsod ng Covid-19 pandemic, sa pamamagitan ng mas pinaigting na pangangaral sa Internet at mas pinalawak na serbisyo publiko.
Araw-araw na Bible Exposition at Bible Study, regular na live podcast, gabi-gabing Global Prayer for Humanity, relief operations sa loob at labas ng Pilipinas, at pagtatayo ng Health Facility — ilan lamang ito sa mga naging paraan ni Bro. Eli Soriano, ng Ang Dating Daan, at ng Members Church of God International upang matugunan ang iba’t ibang problemang dulot ng pandemya.

Mas Pinalawak na Pangangaral ng Salita ng Dios Gamit ang Social Media

Habang patuloy ang malawakang brodkast sa radyo, telebisyon, at satellite ng Ang Dating Daan sa buong mundo, mas pinaigting pa ni Bro. Eli Soriano at Bro. Daniel Razon ang pangangaral gamit ang live streaming ng iba’t ibang social media sites. Si Bro. Eli at Bro. Daniel ang mga pangunahing host ng Ang Dating Daan.

Sa pag-uumpisa pa lang ng pandemyang Covid-19, nakita na ni Bro. Eli na hindi lamang ekonomiya ng mga bansa ang malalang maaapektuhan. Nakita niyang maraming tao ang makararanas ng lalong kahirapan at makararamdam ng depresyon, at mahalaga ang magiging papel ng salita ng Dios upang sila ay makatawid sa marami nilang alalahanin.

Kaya’t upang mas madaling maabot ang mga tao at mabigyan sila ng sapat na gabay pang-espirituwal, mas pinarami ang iskedyul ng Bible Exposition at Bible Study sa iba’t ibang bansa at wika. Mula lingguhang iskedyul, ginawang mula Lunes hanggang Biyernes ang live broadcast ng dalawang events na ito para sa mga manonood na Pilipino.

Live ding nagsasagawa sina Bro. Eli at Bro. Daniel ng Bible Exposition sa Europe, Israel, at Africa, tatlong beses sa loob ng isang linggo, at dalawang beses naman para sa mga taga-Nepal, India, at Sri Lanka. Tuloy-tuloy din ang halos araw-araw na Bible Study at Bible Exposition sa Spanish at Portuguese para sa mga nasa Brazil at Latin America.

Hunyo 1, 2020 din unang isinapubliko ang Mass Indoctrination, ang serye ng pag-aaral ng mga doktrina ng Panginoong Jesucristo, para sa mga nagnanais maging kaanib ng Members Church of God International o MCGI, ang samahang nagtataguyod ng programang Ang Dating Daan. Naitala ng MCGI ang may pinakamaraming nabautismuhan sa samahan sa isinagawang online Mass Indoctrination na ito.

Lahat ng live broadcasts ay live din na isinasalin sa iba’t ibang wika gaya ng Spanish, Portuguese, Chinese, French, Italian, at iba pa. Sabayang napapanood sa mga official page at channel sa Facebook, Twitter, YouTube, at Instagram ang livestream ng programa.

Umani naman ng positibong feedback sa maraming manonood na mula sa iba’t ibang relihiyon ang pangangaral ni Bro. Eli.

Mapapanood ang Ang Dating Daan bilang The Old Path sa Ingles, O Caminho Antigo sa Portuges, El Camino Antiguo sa Espanyol, at Il Sentiero Antico sa Italyano.

Pamamayagpag ng The Unheard Truth Podcast

Bukod sa social media, sinikap rin ni Bro. Eli na maiparinig ang aral ng Dios sa mga taong nagsasalita ng Ingles kaya’t inumpisahan ang The Unheard Truth from the Bible podcast. Sa pagsikat ng podcasting sa North America, ito ang nakita ni Bro. Eli na paraan para maabot ang maraming mga Amerikano. Narinig ang premiere episode ng podcast noong Agosto 26, 2020 at wala pang dalawang buwan ay nagkaroon na ito ng maraming tagapakinig at nakapagtala na ng mahigit 1 milyong downloads. Tinatalakay dito ni Bro. Eli ang mga usapin sa Biblia na hindi maipaliwanag ng ibang mga pastor at mga katotohanan sa Banal na Kasulatan na maaaring hindi pa naririnig ng maraming tao.

Pananalangin Para sa Sangkatauhan

Sa gitna ng lumalalang pandemya, pinasimulan ni Bro. Eli noong Mayo 25 ang Global Prayer for Humanity upang ilapit sa Dios ang kalagayan ng sangkatauhan. Sinoman at anomang relihiyon ang kinabibilangan ay maaaring makibahagi sa sabayang pananalangin sa pamamagitan ng livestream nito tuwing alas 9:30 ng gabi, oras sa Pilipinas, mula Lunes hanggang Biyernes.

Bukod sa Global Prayer for Humanity, 24/7 din ang live broadcast ng MCGI Community Prayer kung saan maaaring sumabay sa pananalangin anomang oras. Ang 24/7 Community Prayer ay pinasimulan noong 2008 at maaari ngayong mapakinggan sa mga pangunahing wika.

Mas Pinalawak na Relief Operations at Marami Pang Serbisyo Publiko

Hindi lamang pangangailangang espirituwal ng mga tao ang tinugunan ni Bro. Eli at Bro. Daniel sa panahon ng malaking krisis kungdi ang maraming pangangailangang materyal at pangkalusugan ng mga mahihirap.

Katuwang ang UNTV at MCGI, regular na isinasagawa ng Ang Dating Daan ang relief operations sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa mga nabigyan ng relief goods ang libu-libong pamilya sa probinsiya ng Pampanga, Rizal, Laguna, at marami pang iba. Marami rin sa mga mahihirap na Pilipino sa iba’t ibang lugar ang nakatanggap ng libreng gamot at iba pang tulong medikal.

Patuloy rin ang relief operations ng Ang Dating Daan at MCGI sa iba’t ibang bansa kung saan daan-daang libong OFWs ang nawalan ng trabaho. Daan-daang Pinoy ang naabutan ng mga relief goods at mga tulong medikal at pinansiyal sa UAE, Singapore, Melbourne sa Australia, at marami pang iba.

Nag-abot naman ng 1 milyong pisong tulong si Bro. Eli at Bro. Daniel sa lungsod ng Maynila na isa sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng Covid-19 sa Pilipinas. 

Ipinagpasalamat naman ito ni Mayor Isko Moreno, “Sa ating Kuya Daniel Razon, at kay Bro. Eli Soriano ng Ang Dating Daan, maraming maraming salamat po sa inyo at sa inyong mga kasamahan. Maraming salamat sa ipinagkaloob ninyong isang milyong piso sa lungsod ng Maynila.”

Bilang tulong rin sa mga frontliner na pulis, doktor, at nurse, nagkaloob ang programa at MCGI ng face shields at infrared thermometers upang magamit na proteksiyon sa coronavirus. Kabilang sa napagkalooban ay ang Apalit Municipal Police Station at ang The Medical City Clark.

Binuksan na rin nitong Oktubre 5, 2020 ang MCGI-UNTV Health Facility sa Malolos City, Bulacan na ipinatayo ni Bro. Eli at Bro. Daniel upang magserbisyo ng libre sa mga pasyenteng may Covid-19. Ang modernong quarantine facility ay pasado sa standard ng World Health Organization (WHO) at mayroong 32 individual isolation stations kung saan bawat kwarto ay may CCTV monitor, intercom, internet, at sariling comfort room.

Hinangaan ni WHO Representative Kenneth Samaco ang pagkakagawa sa pasilidad na gumagamit ng modernong teknolohiya gaya ng negative room pressure with air filtering system na naglilinis ng hangin sa loob ng pasilidad. Aniya, talagang isinaalang-alang sa pagtatayo ng pasilidad ang kaligtasan ng mga nagtatrabaho dito at ng mga taong papasok sa pasilidad na hindi mahawa ng virus.

Isinulat ni Tin Lauderes at Hazel David

Mga Balita

Website ng Ang Dating Daan, Mas Pinaganda sa Bagong Disenyo

December 24, 2020

Tampok sa bagong Ang Dating Daan website ang mas pinadaling nabigasyon at modernong disenyo, mas komprehensibong impormasyon at mga balita tungkol sa programa at mga live events nito, mas organisadong Q&A videos, at mas pinadaling paraan ng pakikipag-ugnayan sa programa, at marami pang iba.

BUONG DETALYE
MGA IBA PANG ARTIKULO