Kaalinsabay ng pagpapalawak ng pangangaral ng mga salita ng Dios sa iba’t ibang dako ng mundo, pinagsikapan ding maabot ng Ang Dating Daan ang daan-daang libong kapuwa-tao na nangailangan ng iba’t ibang tulong dahil sa mga kalamidad at krisis na dulot ng Covid-19.
Digital Clinic, Serbisyong Bayanihan, blood donation drive, relief operations, feeding program, at pagtatayo ng libreng quarantine facility — ilan lamang ito sa malalaking charity works na inilunsad at isinagawa ng Members Church of God International, o MCGI, sa nakalipas na taon. Ang MCGI ang samahang nagsasahimpawid ng programang Ang Dating Daan.
Digital Clinic: 24/7 Libreng Konsultasyong Medikal
Upang may agad na mapagkunsultahan ang mga tao patungkol sa kanilang karamdaman lalo na sa panahong dumarami ang kaso ng nagkakaroon ng Covid-19, inilunsad ni Bro. Eli Soriano at Bro. Daniel Razon ang MCGI-UNTV 24/7 Digital Clinic nitong Marso 2020. Sa pamamagitan ng mga hotline number, maaaring tumawag ang isang nangangailangan ng konsultasyong medikal sa mga lisensiyadong doktor. Naging malaking tulong ang digital clinic sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa lalo na sa mga panahong may matinding takot at pangamba dulot ng Covid-19. Naging isang paraan ito na maiiwas ang sinoman na magtungo pa sa mga ospital na maaaring ika-expose nila sa nakamamatay na virus. Sa pamamagitan ng digital clinic, nabibigyan ng payong medikal at resetang gamot kung kinakailangan ang mga kumokunsulta.
Serbisyong Bayanihan ng MCGI at UNTV
Sa gitna ng malaking krisis at dumaraming pangangailangan ng maraming tao dahil sa pandemya, mas pinaigting rin ng Ang Dating Daan ang mga ginagawa nitong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paglulunsad ni Bro. Daniel nitong Marso ng bagong programa sa UNTV, ang Serbisyong Bayanihan. Layon ng programa na matugunan ang panawagan at pangangailangan ng mga taong dumaranas ng sari-saring kagipitang epekto ng nararanasang pandemya.
Binibigyang tugon ng MCGI at UNTV ang iba’t ibang suliraning inilalapit sa programa kagaya ng paghiling ng mga basic necessities gaya ng pagkain, puhunan sa maliit na negosyo, pangangailangang medikal, at iba pa. Nakapaloob din dito ang malalaking relief operations, o pagkakaloob ng ayuda, na patuloy na isinasagawa hanggang sa ngayon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa na labis ring naapektuhan ng pandemya.
Nariyan din ang patuloy na pamamahagi ng gadgets gaya ng tablets, laptops, at cellphones sa mga mag-aaral upang may magamit sila sa distance learning na ipinatutupad sa bansa dahil sa Covid-19.
World Class MCGI-UNTV Health Facility
Isa pa sa malalaking proyektong isinagawa ng MCGI bilang tugon sa malaking problema na dulot ng pandemya ay ang pagtatayo ng isang quarantine facility para sa mga pasyenteng may Covid-19. Pinasinayaan nitong Oktubre ang MCGI-UNTV Health Facility sa Malolos, Bulacan.
Ayon sa Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO), ang pasilidad ay isang state-of-the-art facility na may mataas na standard kumpara sa ibang isolation facilities.
Ang MCGI-UNTV Health Facility ay mayroong 32 na kuwarto na may sariling comfort rooms, built-in CCTV, intercom, Wi-Fi at television set. Idinisenyo ang bawat kuwarto bilang “negative pressure room” upang walang makalabas na virus na maaring makapanghawa sa mga tao sa loob at labas ng pasilidad. Moderno rin ang water sewerage system nito kung saan tinitiyak na malinis at hindi kontaminado ang anomang tubig na papasok at lalabas sa pasilidad.
Ang Health Facility ay ipinatayo nina Bro. Eli at Bro. Daniel bilang tugon sa panawagan ng gobyerno na maragdagan pa ang mga quarantine facility dahil sa pagdami ng kaso ng mga may Covid-19 sa bansa.
Ito ay may 38 full-time staff na binubuo ng 5 doktor, 22 nurse at 11 non-medical personnel na handang lumingap sa mga pasiyente. Bukas at libre ang pasilidad para sa lahat ng nangangailangan maging anoman ang katayuan o relihiyong kinaaaniban. Pagkatapos naman ng pandemya, ang MCGI-UNTV Health Facility ay gagawing libreng ospital para sa kapakanan ng mga kababayang walang pambayad para sa gamutan sa mga ospital.
Relief Operations sa mga Nasalanta ng Pagsabog ng Bulkang Taal, Bagyong Rolly at Bagyong Ulysses
Umabot naman sa halos 200,000 packs ng relief goods ang naipamigay ng Ang Dating Daan at MCGI kasabay ng rescue operations at medical missions na isinagawa katulong ang UNTV sa pagsagip sa mga kababayang nasalanta ng iba’t ibang kalamidad.
Kasabay ng pagpasok ng taong 2020 ay ang pagputok ng Bulkang Taal kung saan libu-libong residente sa lalawigan ng Batangas at mga karatig probinsiya ang labis na naapektuhan. Isang “Week-Long Medical Mission and Relief Operation” ang inilunsad ng Ang Dating Daan, MCGI, at UNTVupang magbigay tulong sa mga biktima gaya ng libreng serbisyong medikal at dental at pamimigay ng relief goods.
Magkasunod ring sinalanta ng bagyong Rolly at Ulysses ang maraming probinsiya sa bansa kung saan libu-libong pamilya rin ang nawalan ng tirahan at hanapbuhay. Daan-daang libong relief goods ang ipinamahagi ng Ang Dating Daan sa mga biktima sa iba’t ibang lugar sa Bulacan, Rizal, Camarines, Isabela, at Cagayan.
Malaking parte rin ng pagtulong ang Serbisyong Bayanihan kung saaan nagkaloob ng mga tulong pinansiyal at pangkabuhayan sa mga labis na naapektuhan ng bagyo at mga pagbaha.
UNTV Cup Season 8
Halos 10 milyong piso naman ang naipamigay na cash assistance sa mga charity beneficiary ng UNTV Cup sa pagtatapos ng Season 8 ng liga noong Marso na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum. Ang UNTV Cup ay isang charity basketball league na inorganisa ng UNTV sa pangunguna ni Bro. Daniel at pangunahing katulong ang MCGI. Napapanood ang mga laro nang live sa UNTV 37 kung saan tampok ang iba’t ibang sangay ng gobyerno bilang koponan at naglalaban para sa cash prize na ibibigay sa kanilang mga piniling charity organization.
Kampeon ang DENR Warriors sa Season 8 at tumanggap ng Php4,000,000 para sa Environmental Heroes Foundation Incorporated or EHFI, ang kanilang napiling beneficiary.
Binuksan nitong Setyembre 6 ang panibagong sesyon ng Mass Indoctrination ng Members Church of God International (MCGI) kung saan halos 50,000 na mga computer at smartphone ang kumonekta sa livestream.
Tampok sa bagong Ang Dating Daan website ang mas pinadaling nabigasyon at modernong disenyo, mas komprehensibong impormasyon at mga balita tungkol sa programa at mga live events nito, mas organisadong Q&A videos, at mas pinadaling paraan ng pakikipag-ugnayan sa programa, at marami pang iba.
Dahil sa dumadaming bilang ng mga nagsusuri tungkol sa Biblia mula sa Timog Asya, regular nang napapanood ang sabayang Bible Exposition ng Ang Dating Daan para sa mga taga-Nepal, India at Sri Lanka.