MCGI Channel, May 430,000 Subscribers Na

September 25, 2021
MCGI Channel on YouTube

Umabot na sa 430,000 ang subscribers ng MCGI Channel sa YouTube nitong Setyembre 2021, tatlong buwan bago ang ika-labing anim na taon nito sa nasabing social media platform.

Unang nakilala ang MCGI Channel bilang Ang Dating Daan YouTube Channel na binuksan noong Disyembre 27, 2005. Pinasimulan gamitin ni Kapatid na Eli Soriano ang popular na video-sharing and social networking website upang mas maraming tao pa ang marating ng pangangaral ng ebanghelyo.

Ang milestone certificate ng YouTube Channel na Ang Dating Daan na nagpapakita na mayroon na itong 430,000 subscribers

Nagpasimula ang channel sa mga video post na sumasagot sa iba’t ibang tanong ukol sa pananampalataya at Biblia gaya ng Bakit may mga mauunlad na bansa kahit na ang sinasamba nila ay dios-diosan?, “Plano ba ng Dios na makapasok ang demonyo sa Garden of Eden?”, atAno ang pangalawang langit?

Hindi naglaon, nagkaroon na rin ng regular na livestreams ng Bible Exposition, Bible Study, at Mass Indoctrination sa naturang channel na napapanood hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo at sa iba’t ibang lenggwahe.

Sa bagong pangalan nito na MCGI Channel, mapapanood na rin ang Kristiano Drama at Story of My Faith. Tampok sa bawat episode ng Kristiano Drama ang mga maiiksing kwento na kapupulutan ng aral na nakabatay sa mga talata sa Biblia. Ang Story of My Faith naman ay ang pagsasalaysay at pagsasadula ng mga pangyayari kung paanong ang ilang kapatid sa pananampalataya ay napabilang sa Members Church of God International. Inilalahad nila dito kung paano gumawa ang Dios sa kanilang buhay na nagbunga ng kanilang pagkakilala sa katotohanan.

 Ang homepage ng Ang Dating Daan Youtube Channel sa bago nitong pangalan na MCGI Channel

Bukod dito ay mapapanood din ang mga charity works at iba pang gawain ng Members Church of God International.

Makikita rin dito ang iba pang mga channel na may kaugnayan sa MCGI gaya ng Brother Eli Channel, KDR TV, Ayon sa Biblia, The Old Path, at iba pa.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 42,005,208 views ang MCGI Channel at ang pinakamaraming views ay ang debate ni Brother Eli Soriano at Pastor Elmer Abuera ng Remnant Israel Yahweh Assembly in Yahshua Messiah (REYA-IYM) na umabot ng 1,888,748 views mula nang i-upload ito noong March 2016.

Para sa mga kaalaman tungkol sa Biblia, pagpapatibay ng pananampalataya at mga gabay sa buhay at sa pagiging isang tunay na Kristiyano, bisitahin ang MCGI Channel at mag-Like, Share, at Subscribe.

Isinulat ni Kristine Castro-Delos Santos

Mga Balita

MGA IBA PANG ARTIKULO