Ano ang payo ng Dios sa mga taong gustong magbalik-loob sa Kaniya?

Tanong:

Ano ang payo ng Dios sa mga taong gustong magbalik-loob sa Kaniya?

Bro. Eli Soriano:

Alam mo, walang kuwenta ang maipapayo ko, kapatid. Ang pinakamahalaga, ang maipapayo ng Dios sa ating lahat. Ang anyaya ng Dios sa ating lahat, sa mga bisita natin, ang anyaya ng Dios ay nasa Mateo 11:28-30, pakibasa, Sister Luz.

Sis. Luz Cruz:

Mateo 11:28

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.”

Mateo 11:29

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”

Bro. Eli Soriano:

Alam mo, kapatid, ang Cristo ay mayroong bukas na kamay na nag-aanyaya sa lahat ng tao, pati ang napapagal na, pagod na ang kaluluwa sa kasamaan, pagod na sa bisyo, pagod na sa mga problema, pagod na sa sari-saring kasamaan sa buhay.

Mateo 11:28

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.”

Ang Kaniyang payo, "Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin…” Let us learn in Christ. Lumapit tayo kay Cristo sa layong mag-aral sa Kaniya. Ang Cristo ay hindi magkukulang ng turo. Kaya nga kami nag-aanyaya ng indoctrination sessions. Babasahin po namin sa inyo ang mga turo ni Cristong hindi binabasa ng pari, hindi binabasa ng mga iba-ibang mga pastor sa ating panahon. Ang mga turong naitago sa pandinig ng mga tao. Makikita ninyo, kagaya ng kapatid na ito na nagtatanong, hindi pa raw siya nakakatapos ng doktrina, marami nang nagbago sa buhay niya. Naniniwala ako, kapangyarihan ng salita ng Dios ang nagtatrabaho sa kaniya. Because iyong salita po ng Dios may power po iyan para baguhin ang isang tao. Mabisa iyan. Basahin natin ang Hebreo 4:12, Kapatid na Luz. 

Sis. Luz Cruz:

Hebreo 4:12

“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.”

Bro. Eli Soriano:

Mabisa ang salita ng Dios, matalas, buhay, parang tabak na may dalawang talim. Iyon po ang mapapakinggan natin sa Cristo. Kaya sabi Niya -

Mateo 11:29

Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

Iyon ang masasabi ko, kapatid, sa lahat ng tao. Inaanyayahan tayo ni Cristo na mag-aral sa Kaniya habang buhay tayo sapagkat mayroon tayong allotted time. Huwag nating sayangin. Baka dumating ang panahon ay wala na tayong panahon saka natin iisiping mag-aral at magsaliksik, baka huli na tayo. Iyon ang masasabi ko, kapatid.

Guest: 

Maraming salamat po.