Tanong:
Ano ang pinakamahalagang utos ng Dios sa lahat ng mga tao?
Bro.Eli Soriano:
Basahin natin ang Mateo 22:36 –
Sis. Luz Cruz:
Mateo 22:36-40
“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?
At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
Ito ang dakila at pangunang utos.
At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”
Bro. Eli Soriano:
Maliwanag po ang sagot ng Biblia, kapatid, na mayroong dalawang mahalagang utos sa lahat. Una –
“…Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
Ito ang dakila at pangunang utos.
At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”
Pagka po sinabing “gaya ng iyong sarili,” iibigin mo ang kapuwa mo gaya ng sarili mo. Huwag kang mananakit kasi ayaw mo namang masaktan sa sarili mo, ayaw mo namang ikaw ay mapahiya. Ayaw mo namang ikaw ay mapatay, so hindi ka rin papatay. Kung ayaw mong magutom, hindi mo rin naman gugutumin ang kapuwa mo tao. Actually, kung sinusunod lang po ito ng mga tao, dapat walang magugutom ngayon. Marami po ngayon namamatay ng gutom sa Africa, ang dami-dami namang bilyunaryo sa America. Iyan po. Kung sumusunod lang lahat ng tao sa utos ng Dios dapat walang taong mamamatay. Kung sumusunod lang tayo doon sa pinakamahalagang utos ng Dios na iibigin mo ang Dios una sa lahat, tapos iibigin mo ang kapuwa mo, kagaya iyon ng una.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”
Iyan po ang pinakamahalaga sa lahat ng utos. Kaso ang ginagawa ng tao, iniibig niya lang ang sarili niya. Pagkatapos ng sarili niya, sarili niyang asawa, sarili niyang anak, sarili niyang sangbahayan, iyon lang ang mahal niya. Pero paglabas ng bahay niya, wala na siyang pag-ibig sa kapuwa tao.
Mayroon pa nga, nakahanda siyang pumatay ng iba para lang ang kaniyang sarili ay maproteksyunan. Nakahanda siyang mang-api, mang-agrabyado, mandaya dahil lang sa pagmamahal niya sa kaniyang sarili at sa kaniyang sariling sangbahayan. Hindi po sana dapat naging ganoon. Dapat po sana ang ating pagmamahal sa sarili ay lumabas para sa ating kapuwa, na kung papaanong ayaw nating magutom, huwag natin sanang tiising mamatay sa gutom naman ang wala. Matuto sana tayong maglimos para sa iba. Kaso, hindi na uso po ngayon iyan. Ngayon nga may mga naglilimos sasabihin “Ayokong maglimos kasi raket lang naman iyan, mga sindikato iyan.” Sabi ko nga, kahit ipalagay mo na sindikato ang mga pulubi, pulubi talaga iyon. Kaya nga nakuha ng mga sindikato, talagang walang mga hanapbuhay ang mga taong ito, pulubi talaga. Mapakain mo man lang.
Ako nga kasi… Ganito, ang sabi nila iyon daw mga nagpapalimos sa may Muñoz ay mga miyembro ng sindikato daw iyon. Iyong mga batang may dala-dalang mga batang maliliit ay nagpapalimos. Ang ginawa ko kaysa bigyan ko ng pera ini-order ko ng chickenjoy, tuwang-tuwa ang mga bata. Ang sabi ko sa loob-loob ko, ang sindikatong may hawak dito tingnan ko lang. Pagka ibinigay mo ay pagkain, kinain na ng bata, maipapasuka ba nila iyon? Marami namang paraan para tayo ay gumawa ng kabutihan sa kapuwa. At pagka gumagawa tayo ng kabutihan sa kapuwa, nakakagawa tayo ng kabutihan sa Dios kasi ang Dios ang may sabi noon na iibigin mo ang kapuwa mo. Pagka inibig mo ang kapuwa mo, parang iniibig mo na rin ang Dios, na iyon ang pinakamahalagang utos. Basahin natin ang I Juan 4:20 –
Sis. Luz Cruz:
I Juan 4:20
“Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita?”
Bro. Eli Soriano:
So, ang pag-ibig sa Dios na hindi mo nakikita, natutupad iyon pagka umiibig ka sa iyong kapuwa na nakikita mo. Paano mong maiibig nga naman ang Dios hindi mo naman nakikita, itong kapatid mo, itong kapuwa mo nakikita mo hindi mo maibig? Kung ito ngang nakikita mo hindi mo nga maibig, iyon pang hindi mo nakikita ang maibig mo? Ito nakikita mo, nakikita mo na nagugutom. Iyan po, mga kababayan. Ang pag-iibig sa Dios ay napapatunayan sa pag-ibig sa kapuwa. Iyan po ang pinakamahalagang utos. Wala ng mas mahalaga diyan. “Ibigin mo ang kapuwa gaya ng iyong sarili.” Pag ginagawa natin lahat iyan, walang magugutom. Iyon po ang sagot ko sa iyo, kapatid.