Tanong (New):
Dapat bang mag-alay ng bulaklak sa puntod ng patay
Bro. Eli Soriano:
Puwede naman iyon kung pantao ang pag-uusapan. Okay lang iyon dahil kinagawian ng tao ang mag-alay ng bulaklak sa patay. Pero kung sa Biblia natin itatanong, ganito ang ating mababasa sa Eclesiastes 9:5 -
Sis. Luz Cruz:
Eclesiastes 9:5
“Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan.”
Bro. Eli Soriano:
Ang buhay, alam nila na sila’y mamamatay, pero ang patay, hindi nila alam ang anomang bagay. So, kahit na lahat ng pinakamagagandang bulaklak ang ialay mo, hindi na alam ng patay iyon. Ni hindi niya nga mararamdaman man lang i-appreciate niya iyon. Kahit ang pinakamalaking kandilang magandang-maganda. Nakakita ako ng magandang kandila, pitong libo. May mga bulaklak pa, ang daming mga ginto-ginto pang mga palamuti, pitong libo. Ang sabi ko, sayang lang ang pitong libo mo kapag bibilhin mo, iaalay mo doon sa puntod ng patay. Hindi naman niya na mararamdaman iyon.
Ang aral kasi ng Dios, habang buhay ang tao, mahalin mo na. Ipakita mo na lahat ng pagmamahal sa tatay mo, sa nanay mo. Pero pagdating na namatay na, hindi na nila mararamdaman iyon. Wala ka nang magagawa roon na mararamdaman pa nila, na maa-appreciate nila. Kaya ang sabi sa Eclesiastes 9:6, ituloy natin -
Sis. Luz Cruz:
Eclesiastes 9:6
“Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
Bro. Eli Soriano:
Wala na pala silang bahaging anoman sa anomang ginagawa sa ilalim ng araw. So, wala na tayong magagawa para sa kanila. Nothing can be done to a dead man or to a dead person. At alam mo, separate na iyang daigdig ng patay at saka ng buhay. Ang kanilang alaala ay nawala na. Ang pagtatanim nila, ang pag-ibig nila, ang kanilang pananaghili, wala na. Wala na silang anomang bahagi pa magpakailanman sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.
So, it will be just a waste of time, money, effort, et cetera, na maglagay ka pa ng bulaklak. Kapag patay na ang tao, ipagpasa-Dios na natin. Pero lahat ng gagawin natin para sa kaniya kapag patay na siya, gawin na natin samantalang siya’y buhay. Kasi kapag namatay na, hindi na niya mararamdaman, hindi na niya alam, hindi naman niya maa-appreciate. Kapag patay na kasi ang tao, wala ka nang aalalahanin. Nasa kamay na ng Dios ang pagpapasya sa kaniya. Sabi sa Job 12:10 -
Job 12:10
“Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa’t bagay na may buhay, At ang hininga ng lahat ng mga tao.”
Nasa kamay na ng Dios iyan. Hindi naman hahatulan ang patay sa ginawa mo para sa kaniya. Hahatulan siya sa ginawa niya. Apocalipsis 20:12 -
Bro. Daniel Razon:
Apocalipsis 20:12
“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.”
Bro. Eli Soriano:
Kita mo iyan? Hahatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa. Kung ano ang ginawa nila, hindi mo na mababago iyon. That’s final. Kaya doon sila hahatulan. Wala ka nang magagawa para sa kanila dahil unang-una, hahatulan sila sa kanilang gawa, hindi sa ginawa ng iba para sa kanila. Kasi, hahatulan ang patay doon sa ginawa niya. Kapag siya’y haharap sa hukuman ni Cristo, iyong kaniyang ginawa ang pananagutan niya sa Dios. Kaya samantalang buhay pa ang tao, doon mo mahalin, doon mo turuang gumawa ng mabuti, doon mo ituwid, kasi… doon mo siya paalalahanan, kasi maaaring habang buhay siya, makapagbago pa siya. Pero kapag patay na, naku po, kahit sino pang Poncio Pilato ang tawagin mo, ay naku, wala nang mangyayari, sabi ng Biblia. Kapag namatay na siya, pinal na iyon. That is his final or her final destiny. Doon na siya hahatulan. Iyan po ang sabi sa Biblia, mga kababayan.
Kasi ngayon, ang nanay niya at ang tatay niya’y dinadabog-dabugan. Minsan ay minumura pa ng ibang anak ang mga magulang. Pero kapag namatay na’y akala mo’y nagpapanangis at gagawan ng nitso. Ipapa-wash out pa kapag a-primero ng Nobyembre. Papipinturahan pa. Akala mo’y mahal na mahal. Samantalang noong buhay ay dinadabugan. Basahin natin ang Mateo 23:27 -
Bro. Daniel Razon:
Mateo 23:27
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.”
Bro. Eli Soriano:
Katulad lang iyon ng mga mapagpaimbabaw. Naku, kung kailan patay ang kaniyang lola saka mahal na mahal niya. Samantalang noong buhay ay pinananalanging, “Hindi ka pa mamatay, matanda ka!” Noong mamatay ay iiyak-iyak at pagkatapos ay nilalagyan ng bulaklak. Iyan ang ugali ng mga Eskriba’t Fariseong mapagbanal-banalan. Pinapaputi ang libingan. Nilalagyan ng mga bulaklak. Dini-dekorasyunan. Mayroon pang isang talata, mas maganda -
Bro. Daniel Razon:
Mateo 23:29
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,”
Mateo 23:30
“At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi’y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.”
Bro. Eli Soriano:
Mga Eskriba at Fariseo kayo, itinatayo ninyo ang mga libingan, ginagawa pang mga museleo at ginagayakan. Lahat ng gayak ay inilalagay. Pati ba naman ang krus daw ay inilagay. Gawa po iyan ng mga mapagpaimbabaw. Those works are all in vain. Hindi na nararamdaman iyan ng patay. Hindi na rin iyan makakadagdag sa kanilang kabutihan. Hindi na rin iyan makakabawas sa kanilang kasamaan. What was done cannot be undone. So, kung alin ang na-record sa talaan ng Dios, iyon ang kanilang pananagutan.