Hinahayaan ba ng Dios na magkasala ang tao?

Tanong:

Bakit hinayaan ng Dios na magkasala ang taong nilikha Niya?

Bro. Eli Soriano:

Tayo po ay binigyan ng Dios ng free will, ng kapangyarihang mamili. Puwede kang kumanan, puwede kang kumaliwa. Puwede kang dumiretso. Hindi kasi tayo robot. Pangit kasi kung ang gagawin ng Dios sa tao ay parang robot na de-susi na wala kang kakayahan na gumawa ng pasya para sa iyong sarili. 

Kaya ginawa ng Dios ang taong mayroong free will or free choice, kapangyarihan na pumili ng anomang gusto niya, gusto kasi ng Dios na makita sa ating mga tao na bagaman tayo’y malayang pumili, ang piliin natin ay hindi ang pagsuway, kundi pagsunod. Mas natutuwa ang Dios kung susunod tayo sa Kaniya ng mayroon tayong free will, ang kusa natin na pagsunod, hindi sa pinilit Niya lang tayo. 

 

Puwede naman tayong pilitin ng Dios na sumunod. Puwede naman tayong pilitin ng Dios na pumunta sa gusto Niyang puntahan. Kaya ng Dios gawin iyon. Kaya lang, hindi Siya maligaya roon dahil lalabas, kaya ka lang sumunod, pinilit ka Niya. Para bang kung ikaw ay nagmamahal ka sa isang tao, nakita mo, mahal na mahal mo, iyong tao napipilitan lang, hindi ka maligaya roon. Maligaya ka kung mapatunayan mo, ang minamahal mo’y mahal ka rin sa kaniyang kusa, hindi napipilitan lang. Kasi kapag napipilitan lang, hindi masarap ang ganoon, hindi masarap sa pakiramdam. Ganoon po ang Dios. Basahin natin sa Isaias 1:19, Kapatid na Luz--

Sis. Luz Cruz:

Isaias 1:19

“Kung kayo’y magkusa at mangagmasunurin, kayo’y magsisikain ng buti ng lupain:”

Bro. Eli Soriano:

Sabi ng Dios, “Kung kayo’y magkusa at mangagmasunurin...” Ang pagsunod po sa Dios, gusto Niya’y kusa, hindi pinipilit. Walang ligaya ang Dios doon sa pipilitin ka Niya. Parang ganoon nga, parang hindi ka makaramdam, pagka nagmamahal ka, napipilitan lang ang minamahal mo, parang hindi ka maligaya noon. Pero kung mutual, ibig sabihin ay mahal mo, mahal ka rin na hindi napipilitan, mas masarap po iyon. 

Parang ang isang magulang din. “Anak, ibili mo ako ng siopao.”, ibinili. Wala kang maramdamang masaya ka, kasi sumunod ang anak mo. Pero ang anak mo, hindi mo inuutusan, ibinili ka, masarap po iyon. Napakasarap sa damdamin ng magulang na hindi mo pinipilit ang anak mo, sumusunod sa iyo. Ang tawag sa Tagalog doon, “may kusang palo.” Hindi mo naman inuutusan ay naglilinis, tumutulong. Maligaya po ang magulang doon. Ganoon po ang Dios. Ayaw po ng Dios na pinipilit tayo.

Kaya ang sinabi ninyo na, “bakit hinayaan ng Dios ang taong magkasala”? Hindi po. Binigyan Niya lang ang tao ng kakayahang mamili. Basahin natin ang Deuteronomio, Sis. Luz--

Sis. Luz Cruz:

Deuteronomio 30:19

“Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;”

Bro. Eli Soriano:

Maliwanag po iyan, kapatid. Inilagay Niya ang pagpapala, sumpa, buhay, kamatayan. Piliin mo ika ang buhay. Mayroon pa rin Siyang pagmamahal na malaki. Dalawa ang mapipili mo, pero itinuro pa rin Niya kung ano ang dapat mong piliin. Pero puwede kang mamili. Puwede kang lumabag, puwede kang sumunod. Mas maligaya ang Dios sa kusa mo na sumunod ka. Iyon po.

Ngayon, bakit ko sinabing, hindi totoong hinayaan Niyang magkasala? Ang totoo, ang tao po para huwag magkasala, nilagyan ng Dios ng utos. “Adan, huwag kang kakain niyan ha,” sabi Niya. “Lahat makakain mo. Isa lang ang huwag mong kakainin.” Biro mong pagmamahal ng Dios iyon? Lahat makakain mo, isa lang ang huwag. 

Sabi ng Dios, “Mag-asawa ka.” Puwede. Kung maligaya kang may asawa, magpakaligaya ka. Sa Israel nga, kapag nag-asawa, pinagbabakasyon ng isang taon. Parang may honeymoon. Ayaw mo pa ba noon? Kaya lang, ayaw naman ng Dios na tatlo-tatlo ang asawahin mo. Hindi ba? Masama kasi iyon, na pati iyong asawa ng may asawa, papakialaman mo. Masama iyon. Kailangan disiplinado ka. Mayroon tayong batas. Ang Dios, naglalagay ng batas para huwag tayong magkasala. Hindi Niya tayo hinahayaang magkasala. May batas. Bukod sa may batas, may Espiritu pang ibinibigay ang Dios para magpaalala sa tao, umalalay sa tao dahil mahina ang ating laman. Basahin natin ang Roma 8:26.

Sis. Luz Cruz:

Roma 8:26

At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan:

Bro. Eli Soriano:

Ang kahinaan ng tao, tinutulungan ng Espiritu iyan. At bukod doon, mayroon pa siyang anghel de la guardia para bantayan ka at sabihan ka na, “O, kasalanan iyan, huwag mong gagawin.” Basahin natin ang Awit 34:7.

Sis. Luz Cruz:

Awit 34:7

Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa kaniya, At ipinagsasanggalang sila.

Bro. Eli Soriano:

Kita ninyo? Mayroon pa siyang anghel na tagapagsanggalang na ibinibigay sa taong may takot sa Kaniya. Kaya marami Siyang ginagawa para huwag kang magkasala. Hindi ka Niya hinahayaang magkasala. Kaya lang, kung gusto mo talagang gawin, kagaya ng ginawa ni Adan, aba’y hindi ka naman Niya pipilitin dahil mayroon ka ngang freewill. Iyon ang masama sa tao. Ginagamit niya ang kapangyarihan niyang mamili sa paggawa ng masama at hindi sa pagsunod sa Dios. Kaya hindi natin masisisi ang Dios. Iyon po ang ibig kong sabihin.