Kasalanan ba ang tumaya sa “Lotto”?

Tanong:

Kasalanan po bang tumaya sa Lotto?

Bro. Eli Soriano:

Ang pagtaya sa lotto, naghahangad ka ng biglang pagyaman. At ang sabi sa Biblia, ang tao na nagmamadali sa pagyaman, mahuhulog sa kaparusahan. Sabi sa Biblia, Kaw.28:20-- 

Sis. Luz Cruz:

Kawikaan 28:20

“Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala: nguni't siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan.”

Bro. Eli Soriano:

Ang nagmamadali sa pagyaman, walang pagsala, parurusahan iyon. Kaya hindi ako pumapayag na ang mga kapatid sa Iglesia, tumaya sa lotto. Kasi nalalagyan ng interes ang tao na magkamal ng kayamanan sa isang napakadaling paraan.

Ano kasi iyan, sugal iyan. Ang lotto, sugal na legal. Legal na sugal. 

Noong araw, pumapayag ako doon sa sweepstakes, dahil ang sweepstakes kasi ginagamit iyon sa charity. Pero noong malagay na iyang lotto na nagnanasa na,

lalo na pag sampung milyon, 20 milyon, 50 milyones na… Naku, nagpila-pila na ang mga tao. Ninanasa na nila. Samantalang ang sweepstakes noong araw, kahit ayaw mong bumili pipilitin ka ng bulag, nabibili ko tuloy. O  kaya pipilitin ka ng lumpo,

“Bili na kayo parang tulong ninyo na,” kasi Philippine Charity Sweepstakes iyan.

Kaya lang nang nilagyan na nila ng lotto ngayon, na para bang ang hangad na ng tao ay ang presyo, hindi na para makatulong sa charity. Ang hangad na ng tao ang premyo. Hindi na ako kumporme dahil nandoon na ang diwa ng paghahangad sa salapi. Iyon ang sagot diyan, kapatid. Ang sabi kasi sa Biblia sa I Timoteo 6:9.

Sis. Luz Cruz:

I Timoteo 6:9

“Datapuwa't ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan.”

I Timoteo 6:10

“Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan;”

Bro. Eli Soriano:

Nakita mo? Ang pag-ibig sa salapi ay ugat po ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya iwasan mo na lang iyan. Sabi sa I Timoteo 6:11 -

Sis. Luz Cruz:

I Timoteo 6:11

Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito,”

Bro. Eli Soriano:

Ang tao ng Dios tumatakas sa pag-ibig sa salapi. Iyon ang masasabi ko sa iyo.