Tanong:
Saan po ba napupunta ang kaluluwa ng patay?
Bro Eli Soriano:
Saan napupunta ang patay? Basahin natin ang Eclesiastes 12:7.
Bro Daniel Razon:
Eclesiastes 12:7
“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang espiritu ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.”
Bro Eli Soriano:
Iyong alabok, uuwi ulit sa lupa. Matutunaw ang iyong katawan. Matutunaw iyon. Tapos iyong espiritu ng buhay na inihinga sa ilong, babalik iyon sa Dios. Pagdating ngayon ng paghuhukom, bubuuin ulit iyong katawan mo. Bubuuin ulit para humarap ka sa paghuhukom, bubuhayin ka ulit. Basahin natin ang Ezekiel 37:4.
Bro Daniel Razon:
Ezekiel 37:4-5
“Muling sinabi niya sa akin, Manghula ka sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, Oh kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga butong ito: Narito, aking papapasukin ang hinga sa inyo, at kayo'y mangabubuhay.
At lalagyan ko kayo ng mga litid, at babalutin ko kayo ng laman, at tatakpan ko kayo ng balat, at lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mangabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
Bro Eli Soriano:
Iyon palang mga natunaw na mga parte ng katawan, mga buto, litid, ibabalik ng Dios. “...babalutin ko kayo ulit ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, mabubuhay kayo...”. Iri-reconstruct ng Dios iyong ating katawan pagdating ng paghuhukom, saka ka haharap sa pahuhukom. Nasa pasyon din iyon, ganito sabi doon,
Ay ano’y kung mailagda
ng Anghel ang gayong wika
magbabagon alipala,
Ang lahat ng taong madla
na ngamatay sa lupa.
At kahit mangawalat man
buto natin sa katawan
maguuling magkapisan,
Anopa’t di magkukulang
ng anomang kasangkapan.
Mauuwi ulit iyong mga buto, magkakasamasama ulit, pagkatapos mabubuhay ka ngayon. Anong mangyayari?
Ang lahat ng kaluluwa
papasok kapagkaraka
sa kata-katawan nila
magpipisa’t magsasama
sa tuwa o pagdurusa
At sa Balye ni Hosapat
hihipan yaong pakakak
na pupukaw sa lahat
ang Anghel ay magtatawag
ito ang ipangungusap.
Ang sabi doon,
Bangon kayo mga patay
magsidulog kayong tunay
sa mataas na hukuman,
niyong Sumakop sa tanan,
Haring makapangyarihan.
Ang katapusan niyan paghuhukom. Kaya, iyong patay ‘pag namatay na, final na iyon. Nakatapos ka na, kumbaga sa isang kurso. Malalaman mo sa paghuhukom kung papasa ka, kahit pasang awa pwede siguro, pero kung babagsak, malalaman mo roon. Tapos, bago dumating iyon, kung patay ka, bubuhayin ka ulit, pagdudugtong-dugtungin ulit ang iyong katawan at saka ka haharap sa hukuman. Kaya hindi na kailangan ang patay, ipagdasal pa. Ang buhay ipagdasal natin na sana magbagong buhay, tulungan ng Dios magpakabuti. Pero iyong patay na, wala na tayong magagawa, naka-record na ang istorya niya. Bubuhayin siya mag-uli doon sa paghuhukom.